(Photo Courtesy of Mark Enriquez)
Ni Shane F. Velasco
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ibinabaon na ang mga pundasyon para sa itatayong pitong palapag na E-Library ng Bulacan State University o BulSU sa lungsod na ito.
Ayon kay Cecilia Gascon, presidente ng BulSU, target ng pamunuan ng nito na matapos ang pagpupundasyon bago ang Agosto 2018 at masimulan kaagad ang konstruksyon upang matapos ang proyekto sa taong 2020.
Nagmula sa sariling kita ng BulSU ang P78 milyon na pondong inilaan sa pagpupundasyon na ginagawa ng Reed Steel Fabricators Inc., na kilalang gumagawa rin ng mga pundasyon ng malalaking tulay at gusali sa bansa.
Sa ipinakitang disenyo ng kontratista, katumbas ng anim na palapag na gusali ang lalim ng mga pundasyong ibinabaon para sa naturang proyekto.
Bukod dito, magiging centralize ang air conditioning ng itatayong pitong palapag na E-Library na patatakbuhin ng Solar Energy.
Lalagyan din ito ng Radio Frequency Identification o RFID upang matiyak na nababantayan ang mga pumapasok at lumalabas na tao maging ang mga bagay na ipinapasok o inilalabas sa gusali.
Gayundin, mayroon din itong probisyon na kabitan ng close-circuit television cameras upang matiyak na walang magiging kaso ng nakawan ng mga mahahalagang gamit. Itinatayo ito sa dating kinatayuan ng Marcos-type building motorpool ng kursong Automotive na inilipat na sa mas malaking College of Industrial Technology Building.
Binigyang diin naman ni Gascon na bagama’t sariling pondo ng BulSU ang P78 milyon ginagastos sa pagpupundasyon, magmumula naman sa 2018 General Appropriation Act ang P121 milyon bahagi ng pagtatayo ng gusali.
Tiniyak naman ni Kint. Jose Antonio Sy-Alvarado ng Unang Distrito ng Bulacan na kanyang babantayan ang deliberasyon ng panukalang 2019 national budget upang makasamang maaprubahan ang P100 milyon pang kailangan ng BulSU para sa naturang proyekto. — PIA 3/Bulacan
(Photo Courtesy of BULSU TV)
(Photo Courtesy of PIA Bulacan)
Comments