(Photo Courtesy of Martin Diño)
Ni Manny C. Dela Cruz
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Matagumpay na naidaos ang kauna-unahang Barangay Basic Journalism training sa siyudad na ito kamakailan na nilahukan ng 140 participants buhat sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Matatandaan na nagpalabas kamakailan ng Memorandum Circular No. 2017 - 165 ng Department of Interior and Local Government (DILG) kung saan inaatasan ang lahat ng mga opisyal ng pamahalaang lokal mula sa mga lalawigan, mga munisipalidad/siyudad hanggang sa antas ng barangay na magtalaga ng information officer na aaktong tagapaghatid ng mga pangyayari sa mga lugar na kanilang nasasakupan tulad ng barangay.
Ang mga naatasang information officer buhat sa mga barangay para maging reporter o mamamahayag ng barangay ay isasailalim ng pagsasanay na gagabayan naman ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang naturang pagsasanay tulad ng isinagawang journalism training sa Club Royale and Resort sa Siyudad ng Malolos.
Mandato umano ng bawat lokal na opisyal, partikular ang mga barangay chairman na magtalaga ng kanikanilang information officer.
Ang mga mapipili ay isasailalim sa basic training on journalism.
Bago sinimulan ang unang araw ng training, nagbigay ng inspirational message sa mga participants si Mayor Christian D. Natividad: “Ang unang-unang tumalima sa programang ito ay ang Lungsod ng Malolos. Tayo po ang unang nagsagawa nito (sa Pilipinas). Kung ano man ang programa ng ating pangulo, si Presidente Rodrigo Roa Duterte, kapag kailangan po niya ng impormasyon. Kapag kailangan niyang ibaba ang kanyang mga programa, una po niyang hahanapin ay ‘yung mga rehistradong barangay journalist… sino po ‘yun? Kayo na mga magsisipagtapos sa barangay journalism training”, anang alkalde.
Sinabi pa ni Natividad na pangunahing layunin ng DILG kung bakit inilunsad ang naturang programa.
“Ang layunin po ng programa ay upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon tulad ng tinatawag na ‘fake news’. Pangalawa po ay upang maturuan ang mga kababayan natin na makipagtulungan sa pamahalaan at sa pamamagitan ninyo (trainees) ay maihahatid sa tanggapan ng ating Pangulo sa Malakanyang, sa opisina ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang mga kaganapan sa bawat barangay na hindi naibabalita ng main stream media,” dagdag pa ni Mayor Natividad.
Ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang unang nagpatupad ng naturang memorandum circular, kung saan pinangunahan ng tubong Malolos na si Rommel Ramos, stringer ng GMA-7 ang pagsasanay sa 140 participants na binubuo ng mga kapitan ng barangay, mga kagawad at mga bantay bayan.
Ang adhikaing ito ng DILG ay isinulong ni Mayor Natividad, na siya ring nakipag-usap kay Ramos na bumuo ng mga partisipante na manggagaling sa iba’t ibang barangay ng Malolos upang isailalim sa pagsasanay sa pagsulat, paguulat at pagkuha ng balita hinggil sa mga pangyayari sa barangay na kanilang nasasakupan.
Agad namang nakipagtalastasan kay Andanar si Ramos hinggil sa pagbalangkas ng naturang programa at noon din ay naikasa ang Barangay Journalism seminar sa mismong bayang sinilangan nina Ramos at Mayor Natividad, ang Malolos.
Ayon kay Ramos, hindi madali ang magsanay ng mga kalahok na wala pang kaalaman sa dyornalismo, maging sa pagbo-broadcast subalit may mga pamamaraan siyang ginawa upang madali at mabilis na matutuhan ng mga trainee ang mga aralin tulad ng aktuwal na pagbo-broadcast gamit ang mga muwestra na hango sa Barangay Journalism handbook at sa sariling ideya ni Ramos, batay sa kanyang mahabang karanasan sa pagbabalita sa telebisyon.
Sa maikling panahon ng pagsasanay ay hinamon ni Ramos ang kakayahan ng mga partisipante kung papaano ia-apply ang kanilang natutunan sa pagsulat ng news story buhat sa kanikanilang mga barangay.
Ang kauna-unahang Barangay Journalism training sa bansa, isinagawa sa Malolos lahat ay nakapagsumite ng kanilang mga ginawang istorya at may ilang participant na aktuwal na ipinabasa ang kanilang mga gawang balita.
“Kayo na ang mga bagong reporter ng Malakanyang at ang mga ID na ipinamahagi sa inyo ay may lagda ni DILG Undersecretary Martin Diño, kaya may kapangyarihan kayong kumalap ng balita sa inyong mga barangay na nasasakupan upang direkta ninyong maiulat sa sa tanggapan ng ating Pangulo sa Malakanyang ang inyong mga balitang nakalap,” ani Ramos sa mga trainee.
Samantala, bukod sa mga taong barangay na nakilahok sa pagsasanay, may ilang media practitioner na lumahok at nagsilbing observer sa dalawang araw na training kabilang sa mga ito sina Jenny Raymundo ng Mabuhay, Ronald Castro ng DZAS AM radio, Catherine Maglalang ng Business Mirror at iba pang mga media reporter.
Comments