(Dahil sa natatanging kontribusyon ng mga Bulakenyong nasa larangan ng sining, pinarangalan at kinilala nitong Martes, Marso 6 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) ang mga natatanging Bulakenyo na alagad ng sining. Kasama sa naturang paggawad parangal kaalinsabay ng “Konsierto ng Musikerong Bulakenyo at Parangal sa Kislap ng Sining ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito sina Gob. Wilhelmino Sy Alvarado at Bise Gob Daniel Fernando. — Larawan mula sa Provincial Government of Bulacan)
Ni Ramon Efren R. Lazaro
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pinarangalan at kinilala nitong Martes, Marso 6 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) ang mga natatanging Bulakenyo na alagad ng sining.
Ang pagpaparangal sa mga alagad ng sining ng Bulacan ay ginanap sa “Konsierto ng Musikerong Bulakenyo at Parangal sa Kislap ng Sining ng Bulacan” sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
Nakamit ang parangal na Kislap ng Sining ng Bulacan ang iba’t ibang grupo at indibidwal kabilang ang BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe na naging kinatawan sa ASEAN Song, Dance and Music Festival sa Vietnam; Sining Bulakenyo, Pangkat Mananayaw ng Bulacan na kumatawan sa bansa sa Kuala Lumpur International Drum and Dance Festival sa Kuala Lumpur, Malaysia; CEU Singers Malolos na nagwagi sa 10th Oriental Concentrus International Choral Festival sa Singapore; DepEd Bulacan Performing Arts Group na nagwagi sa 2017 National Competition for Young Artist; si Francis Aglabtin na nagwagi sa Lola’s Playlist ng programang Eat Bulaga; Bise Gobernador Daniel Fernando na nagwagi ng Best Supporting Actor sa 31st PMPC Awards for Television; at Arsenio Lizaso, pangulo ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas.
Si Lizaso ang naging panauhing tagapagsalita sa nasabing okasyon kung saan sinabi nito ang naging ambag sa sining at literatura ng manunulat na si Jose Corazon de Jesus, may akda ng higit apat na libong mga tula kabilang ang ‘Bayan Ko’ na nilapatan ng himig ng Bulakenyong si Constancio de Guzman na tubong Guiguinto.
Binanggit pa nito na “Ang gusto ko po sana, one of these days, ay dalhin po ang Philharmonic Orchestra sa harapan ng Barasoain Church upang masaksihan ng ating mga kababayan dito sa Bulacan. At kayo pong lahat ay aking inaanyayahan na dumalo sa Symphonic Band Festival sa darating na Agosto.”
Ayon naman kay Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado “Ang ating mga talento ay biyaya sa atin ng Poong Maykapal kaya marapat lamang na ito ay ating ibahagi sa ating kapwa. Kaya sa punto pong ito, what words cannot express, let music speak,” ani Alvarado.
Hinarana rin ng Grand Bulacan Brass Band na binubuo ng Banda 98 ng Bocaue, Bocaue Brass Band, Bulacan State University Symphonic Band, Marcelo H. Del Pilar National High School Symphonic Band, Sacred Heart Academy Brass Band, at Hiyas ng Bulacan Brass Band ang mga dumalo sa nasabing okasyon sa pamamagitan ng pagtugtog nila ng mga tugtuging Philippine Medley, Sarong Banggi march, ‘Ikaw lang ang Mamahalin’ at pinagsamang ‘Kay Ganda ng Ating Musika’ at ‘Anak.’
Ginamit rin ang nasabing okasyon ng PHACTO sa pakikipagtulungan ng National Commission for Culture and the Arts at National Historical Commission of the Philippines ang Sineliksik Bulacan Docufest 2018 na may temang “Pamanang Lahi, Yamang Aking Ipagmamalaki.”
Comments