(Photo Courtesy of officialgazette.gov.ph)
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sa panahon ng tag-init ay maraming naitatalang mga sunog.
Dahil dito, pormal na inilatag ngayong buwan ng Marso ang obserbasyon ng Buwan ng Pag-iwas sa Sunog na may temang, “Ligtas na Pilipinas ang Ating Hangad, Pag-iingat sa Sunog ay sa Sarili Ipatupad” kung nagbigay ng mga tip ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Bureau of Fire Protection at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO)-Bulacan Rescue.
Ipinaliwanag ni Bulacan Provincial Fire Marshall Chief Ins. Amando Elevado, kabilang sa mga dapat gawin para makatugon kaagad sa pamumuksa ng sunog ay ang pagkakaroon ng isang baldeng tubig sa loob ng bahay, pagtanggal sa pagkakasaksak sa kuryente ng mga appliance kapag hindi ginagamit o pagpapahinga sa mga ito ng 30 minuto, maging focus habang nagluluto, taunang pagi-inspeksyon sa lahat ng wiring ng bahay, pagkakaroon ng kaalaman sa tamang paggamit ng LPG o liquefied petroleum gas, pagsunod sa lahat ng itinatagubilin ng kinauukulan hinggil sa pag-iwas sa sunog at pagkabisado sa emergency hotlines na 7910566, 4260209 at 911.
Ayon pa kay Elevado na “Tandaan po na ang sunog ay ‘di natural cause, 90 percent ng sunog ay gawa ng tao, man-made po ito so nasa inyong mga kamay nakaatang ang kaligtasan ng inyong ari-arian at mga mahal ninyo sa buhay.”
Pinayuhan naman ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang mga Bulakenyo na sundin ang mga paalalang ito ng Bureau of Fire Protection at maging mapagmasid sa mga lugar na maaaring pagsimulan ng grass fire. Namahagi din ng tigisang spine board, ring boy, trauma kit sets at splint ang PDRRMO sa mga bayan ng Angat, Balagtas, Bustos, Plaridel, gayundin sa Rescue 117 at Kabalikat Civicom.
Tampok sa mga nakalatag na gawain ng PDRRMOBulacan Rescue ngayong buwan ang pagsasanay sa mga fire marshall ng Pamahalaang Panlalawigan hinggil sa Basic Fire Fighting sa Marso 6 sa Malolos Club Royale Resort sa lungsod na ito; Physical Fitness Activity for Bulacan Rescue and Partners sa Marso 8 sa PDRRMO Operation Center Parking Lot, fire drill at pagiinspeksyon sa fire safety ng mga ospital ng Kapitolyo sa Marso 9; pagsasanay hinggil sa hazardous materials sa Marso13-14 sa Malolos Resort Club Royale; stake holder forum sa fire safety sa Marso 19 sa Hiyas ng Bulacan Convention Center; pagsasanay sa first aid at fire drill para sa kiddie fire marshallsa Marso 22 sa Mamerto Bernardino Memorial Central School, Pandi; at Radyo Bulacan Hosting sa 4 na Martes (Marso 6,13,20 at 27) sa Industrial City, Tikay, Lungsod ng Malolos. — Ramon Efren R. Lazaro
Comments