top of page
  • Black Facebook Icon
  • Black Twitter Icon
  • Black Instagram Icon
  • Black YouTube Icon

LATEST NEWS

2 forest ranger ng Napocor nasugatan sa pananambang sa loob ng Angat Watershed

  • Writer: Online administrator
    Online administrator
  • Mar 13, 2018
  • 2 min read


Ni Ramon Efren Lazaro


LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Dalawang forest ranger ng Angat Watershed Area Team (AWAT) ng National Power Corporation o Napocor ang nasugatan sa pamamaril habang nagpapahinga sa Barangay Kabayunan sa Bayan ng Donya Remedios Trinidad nitong Miyerkules, Marso 7.


Sa salaysay ni Ador Mallari ng AWAT sa Mabuhay, sinabi nito na siyam na miyembro ng kanilang mga forest ranger ay nagsagawa ng pagroronda sa loob ng Angat Watershed noong nasabing araw.


Sinabi pa ni Mallari na bandang 9:00 ng gabi ay nagpasya ang grupo na magpahinga sa isang kubo sa loob ng watershed na nasasakupan ng Barangay Kabayunan ng walang kabog-abog ay pinaulanan ito ng bala ng baril na pinapuputok ng mga hindi nakikilalang mga tao.


Dalawa sa mga forest ranger, na nakilala na sina Elpidio Molina at Elmer Tinaypan, ay tinamaan ng bala ng baril sa kanilang mga balikat at kaagad na inilikas ng mga kasamahan nila para magamot ang kanilang tinamong sugat mula sa pamamaril, paliwanag pa ni Mallari.

Sinabi pa ni Mallari na sina Molina at Tinaypan ay isinugod ng mga kasamahan nila sa Skyline General Hospital sa Lunsod ng San Jose del Monte.


Kinumpirma naman ni Supt. Fitz Macariola, hepe ng City of San Jose del Monte Police Station, na ang dalawa ay ginagamot sa nasabing ospital at kaagad na inutusan ang kanyang imbestigador na magsagawa ng pagsisiyasat hinggil sa naturang pamamaril.


Ang mga forest ranger ng Napocor ay kabilang sa mga miyembro ng provincial anti-illegal logging task force.


Ayon kay Bro. Martin Francisco, tagapangulo ng Sagip Sierra Madre Environmentalist Society Inc. (SSMESI), bukod sa Napocor kasama rin sa nasabing task force ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resource, Bulacan Environment and Natural Resources Office, Philippine Army, Philippine National Police at SSMESI.


Kamakailan ang mga forest ranger ng SSMESI na nakabase sa Punduhan ng mga Dumagat sa Sitio Suha Barangay San Mateo sa bayan ng Norzagay ay tinakot at sinaktan ng isang grupo na nagpakilalang mga miyembro ng Phillipine Army at Marines na pinamumunuan ng ng isang Rey Alcaraz base sa naging ulat ni Francisco kay Maj. Gen. Felimon Santos, commander the 7th Infantry Division ng Philippine Army.


Sa isinagawang imbestigasyon ng Philippine Army, Kinumpirma ni Maj. Gen. Santos na si Rey Alcaraz ay isang reservist ng Philippine Army, at pinayuhan si Francisco na kasuhan nito si Alcaraz kasama ang kanyang grupo.


Ginarantiyahan din ng heneral na tutulungan din ng Army ang Philippine National Police sa paghahanap kay Alcaraz oras na maglabas ang korte ng arrest warrant laban dito.


Sinabi pa ni Francisco na “Hindi maikakaila na may mga death threat kaming kasapi ng Provincial AntiIllegal Logging Task Force lalo na yung grupo naming SSMESI-SFR na ayon sa Napocor operatives eh mukhang napagkamalan ang grupo nilang NPCAWAT na kami.

 
 
 

Comments


bottom of page