top of page
  • Black Facebook Icon
  • Black Twitter Icon
  • Black Instagram Icon
  • Black YouTube Icon

LATEST NEWS

Search
  • Writer's pictureOnline administrator

Panibagong Bocaue ‘toll exit’ ng NLEX gagawin na

Ni Ramon Efren R. Lazaro

(Photo Courtesy of Asian Development Bank)


BOCAUE, Bulacan — Maaaring bago mangalahati ang taong kasalukuyan ay sisimulan nang gawin ang panibagong Bocaue tollgate exit ng North Luzon Expressway (NLEX).


Ito ang kinumpirma sa Mabuhay ni Rodrigo Franco, presidente at chief executive officer ng NLEX Corp., nang makapanayam ito sa inagurasyon ng Mabiga Interchange sa lalawigan ng Pampanga.


Ipinaliwanag nito na ang nasabing panibagong Bocaue tollgate exit ay gagawin sa tulay ng Taal-Tambubong ng NLEX at inaasahang sisimulan sa second quarter ng taong kasalukuyan.


Ayon pa kay Franco, ang lumalalang mabagal na daloy ng trapiko sa kasalukuyang Bocaue tollgate na nasa Barangay Turo ay dulot ng dumaraming sasakyan na dumadaan sa makipot na kalsada ng F. Halili Avenue na nagdurogtong sa bayan ng Bocaue at Santa Maria.


Napag-alaman pa ng Mabuhay na ang detailed engineering design para sa panibagong Bocaue tollgate exit ay malapit nang maaprubahan at pagkaapruba nito ay isusumite naman sa Department of Public Works and Highways o DPWH para simulan nito ang konstruksyon para sa parte nila sa nasabing gawain at ang NLEX Corp. naman ay sasabayan ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagsasaayos ng rampa at toll plaza nito.


Sa naunang pahayag ni Franco sa Mabuhay, sinabi nito na ang gawain na ito ay isang partnership ng pampubliko at pribadong sektor kung saan ipinauubaya sa mga LGU ang paghahanap at pagkuha ng mga daan para sa mga access road.


Ang konsultasyon para sa pagbubukas ng panibagong exit point ng NLEX sa bayan ng Bocaue ay tumagal ng may dalawang dekada kung saan hindi naman nabanggit ni Franco kung bakit ganon kahaba ang panahon na ginugol para maaprubahan ito.


Sa naging panayam naman ng Mabuhay kay Bocaue Mayor Eleanor “Joni” Villanueva-Tugna, inaasahan na ang pagtatayo ng panibagong Bocaue tollgate exit, na hindi nila tinantanan na kalampagin sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, ay makakatulong ng malaki para maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko mula sa kasalukuyang tollgate ng NLEX sa Barangay Turo.


Dahil dito, sinabi pa ni Mayor Joni na malaki ang paniniwala nila na mapapabilis ng kaganapan na ito para mapabilis ang economic developments ng kanilang bayan at maging ng sa bayan ng Santa Maria.


Para lalo pang mapabilis ang biyahe ng mga motorista na dumadaan at lumalabas sa Bocaue tollgate, sinabi pa ni Mayor Joni sinimulan na nilang makipag-usap sa mga may-ari ng lupa sa gilid ng NLEX para magkaroon ng service road dito na lalong magpapabilis ng takbo ng ekonomiya ng bayan ng Bocaue tulad ng mga Lunsod ng Valenzuela at Meycauayan na mayroong mga service road sa gilid ng NLEX.


Kung mapapabilis ang daloy ng trapiko sa bayan ng Bocaue, ipinaliwanag pa ni Mayor Joni na mapalalakas nito ang industriya ng turismo ng Bocaue kung saan bantog ito sa nobenaryo at prusisyon sa kailugan ng Bocaue para sa Mahal na Krus sa Wawa tuwing buwan ng Hulyo at sa pagkakatayo ng pinakamalaking dome arena sa buong mundo sa pamamagitan ng Philippine Arena. Mabubuksan din nito ang pgpapabilis ng Bocaue River Tourism project na kasalukuyang ikinakasa ng Pamahalaang Bayan ng Bocaue.


Bukod dito, sinabi pa ni Mayor Joni na inaasahan nila na mapapasigla ng mabilis na daloy ng trapiko ang nakatulog na industriya ng pagbuburda at pananahi na dating humahataw sa iba’t-ibang mga barangay ng Bocaue, paliwanag pa ng alkalde.

1,096 views0 comments
bottom of page