(Ipinablotter nina Bro. Martin Francisco at kasamahan nitong Sagip Forest Rangers [nakapaloob na larawan] sa Bulacan Provincial Internal Affairs Services ng PNP ang pananakot, intimidasyon, paninira at pananakit ng isang Rey Alcaraz at grupo nito na nagpakilalang mga Army at Marines sa mga tao sa loob ng Punduhan ng mga Dumagat. — Kuha ni Ramon Efren R. Lazaro)
LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Kinumpirma ni Maj. Gen. Felimon Santos, camp commander ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, na si Rey Alcaraz, na nanguna sa ginawang pananakot sa mga forest rangers sa loob ng Pundahan ng mga dumagat sa bayan ng Norzagaray ay isang Army reservist.
Sa panayam ng MABUHAY sa Army general, sinabi nito na si Alcaraz ay isang Army reservist na nakalista sa Fort Bonifacio.
Sa report na ipinarating ni Bro. Martin Francisco, tagapangulo ng Sagip Sierra Madre Environmentalist Society Inc., kay General Santos, sinabi nito na dumating sa Punduhan ng mga Dumagat ang grupo ni Alcaraz na may bilang ng mahigit 20 katao at nagpakilala ang mga ito na mga miyembro ng Army at Marines ngunit hindi naman nakasuot ng mga uniporme ng mga ito at pawang nakasuot ng damit ng mga civilian.
Sinabi pa ni Francisco na isang forest ranger ang sinaktan dahil pilit na kinuha ang cell phone nito na ginamit para kunan ng mga larawan ang nasabing grupo at sapilitang binura ang kuhang larawan nito. Bukod dito ay sinira rin ng grupo ang mga kawad ng kable sa perimeter ng security lamp post ng provincial anti-illegal logging task force radio communication tower.
Kabilang sa mga miyembro ng nasabing task force ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources, Bulacan Environment and Natural Resources Office, Philippine Army, Philippine National Police at SSMESI.
Hinikayat ni General Santos ang mga naging biktima nina Alcaraz at grupo nito nan a magsampa ng kaso laban sa nasabing Army reservist at grupo nito.
Ayon pa dito, ang 7th Infantry Division ay tutulong din sa Philippine National Police laban kay Alcaraz kapag nakapaglabas na ng warrant of arrest ang korte. — Ramon Efren R. Lazaro
Comments